Papayagan ang mga pulis na magsuot ng patrol shirt bilang pangontra sa sobrang init ng panahon.
Ayon kay Philippine National Police – Public Information Office (PNP-PIO) Chief Police Col. Jean Fajardo, ito ang napag-usapan sa Staff Conference, at hinihintay na lang na mapirmahan ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang rekomendasyon kaugnay nito.
Sinabi ni Fajardo na inaasahang sa linggong ito maaprubahan ang paggamit ng mga pulis ng patrol uniform tuwing Martes, Huwebes, at Sabado.
Samantala, sinabi ni Fajardo, na pinaalalahanan ng PNP Health Service (HS) ang mga pulis na nagpapatrolya na siguraduhing lagi silang “hydrated” at sumilong kung makaramdam ng pagkahilo dahil sa tindi ng init.
Nag-iikot din aniya ang mga tauhan ng HS para kumustahin ang kondisyon ng mga pulis sa lansangan. | ulat ni Leo Sarne