Nag-ikot ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group – Strike Force sa Mabuhay Lanes sa Quezon City ngayong araw.
Partikular na sa mga alternatibong rutang malapit sa EDSA-Kamuning Flyover Southbound.
Nagpaalala ang grupo sa mga residente at may-ari ng mga establisyimento sa lugar na alisin ang mga ilegal na nakaparada sa kalsada at iba pang sagabal sa daan.
Ito ay para mas mapaluwag ang mga kalsada at magamit ng mga motorista.
Nagsimula na kasi ngayong araw ang pre-closure preparations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa EDSA-Kamuning Flyover, at target itong matapos hanggang October 25.
Sa May 1 naman tuluyang isasara ang tulay para sa mga pribadong sasakyan at ito ay bukas lamang para sa mga bus ng EDSA Carousel.
Ayon sa MMDA, ang partial closure ay para bigyang-daan ang pagsasaayos at rehabilitasyon ng flyover.
Samantala, kabilang naman sa mga alternatibong ruta ay ang: Panay Avenue, Sgt. Esguerra, Timog, Mother Ignacia Avenue, GMA Network Drive, Eugenio Lopez Jr. Dr, Scout Borromeo, Samar Avenue, At ilan pang kalapit na lugar.| ulat ni Diane Lear