Handa ang Philippine National Police (PNP) na umalalay sa mga maaapektuhang commuter bunsod ng panibagong tigil-pasadang ikinakasa ng mga grupong MANIBELA at PISTON sa Lunes, Abril 15.
Sa katunayan, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo magpapakalat sila ng mobility assets na siya namang mag-aalok ng libreng sakay sa mga apektadong pasahero.
Dagdag pa ni Fajardo, sakaling ma-stranded ay maaaring parahin ng mga apektadong pasahero ang mga nagpapatrulyang Pulis para ihatid sila sa kanilang destinasyon.
Mananatili aniyang katuwang ang PNP ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magbigay ng libreng sakay.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa MANIBELA at PISTON para alamin kung anong assistance ang maaaring maibigay sa kanila pagdating sa seguridad.
Tiniyak din ng PNP na mahigpit nilang ipatutupad ang “maximum tolerance” sa mga inihandang programa ng dalawang transport group dahil sa iginagalang ng mga ito ang kalayaan ng bawat Pilipino na maghayag ng kanilang saloobin. | ulat ni Jaymark Dagala