Muling pinaalalahanan ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation (SAICT) ang mga motorista na sumunod na lang sa mga awtoridad at huwag nang tangkaing makipagmatigasan pa.
Sa pagpapatuloy na operasyon ng SAICT sa bahagi naman ng EDSA Santolan sa San Juan City, isang motorcycle rider ang tinangka pang magpalusot sa kaniyang paglabag.
Paliwanag niya, iniiwasan niya lamang ang mabigat na daloy ng trapiko sa southbound lane ng EDSA kaya ginamit niya ang busway para mag-overtake.
Pero kapansin-pansin na may nakadikit na sticker ng Office of the President sa harapan ng motorsiklo ng rider at nagmamatigas pa ito na ibigay ang kaniyang lisensya.
Hirit niya sa mga tauhan ng SAICT, bigyan siya ng “exemption” dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.
Tumagal ng 30-minuto ang diskusyon sa pagitan ng rider at ng mga tauhan ng SAICT hanggang sa mamagitan na ang opisyal mula sa PNP Highway Patrol Group (HPG) para kumbinsihin ang rider na ibigay na lamang ang kaniyang lisensya.
Pero nang ibigay na ang lisensya, doon na tumambad ang kaliwa’t kanang paglabag ng rider dahil bukod sa hindi awtorisadong pagdaan sa busway, mali rin ang dala niyang OC/CR kaya’t madaragdagan pa ang kaniyang multa.
Maliban sa motorcycle rider na gumagamit ng sticker ng OP, nasita rin ang dalawa pang motor rider, dalawang ambulansya na walang dalang pasyente at dalawang pribadong sasakyan dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA Busway. | ulat ni Jaymark Dagala