Umaabot sa anim na libong mga pulis ang ipinakalat ng Philippine National Police sa kalakhang Maynila kasabay ng isinasagawang transport strike ng grupong PISTON at MANIBELA simula ngayong araw.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajard,o kasama na sa 6,000 ang Civil Disturbance Management, police visibility, mobile and foot patrol gayundin ang traffic management at checkpoint/border control.
Partikular na tinututukan ng pwersa ng pambansang pulisya ang mga lugar na pinagdarausan ng kilos-protesta tulad ng Novaliches, Caloocan, Parañaque at lungsod ng Maynila.
Sa ngayon, nananatiling mapayapa ang tigil-pasada ng ilang transport groups kung saan wala naman silang namo-monitor na ‘untoward incident’.
Kasabay nito, muling tiniyak ng PNP na nakahanda ang kanilang mga tauhan at asset upang umalalay sa mga ma-stranded na pasahero. | ulat ni Leo Sarne