Pinatututukan ngayon ng isang mambabatas ang pagdami ng bilang ng Chinese nationals na nag-aaral sa bansa, partikular na sa Cagayan.
Ayon kay Cagayan Rep. Jojo Lara, layon ng kaniyang House Resolution 1666 na alamin kung bakit biglang dumami ang foreign students sa kanilang lalawigan na pawang Chinese nationals.
Bago ito ay nakipagpulong na aniya siya sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Commission on Higher and Technical Education (CHED), St. Paul University of the Philippines (SPUP) at University of St. Louis (USL) upang pag-usapan ang pagdami ng mga umano’y estudyanteng Tsino sa Cagayan.
Pag-amin aniya ng St. Paul, na umabot sa 4,600 ang Chinese nationals na nag-aral sa kanilang unibersidad.
Nanindigan naman ang mambabatas na hindi racist ang kaniyang ginagawang hakbang.
Nagkataon lang aniya na mainit ngayon ang usapin ng girian ng Pilipinas at China at kwestyunable ang pagdami ng Chinese foreign students sa kanilng probinsya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes