Mahigpit na ipagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng cellphone ng mga pulis lalo na kapag sila’y naka-duty.
Ito ang unang direktiba ng bagong Hepe ng Pambansang Pulisya na si Police General Rommel Francisco Marbil matapos nitong pangunahan ang kauna-unahang Command Conference kahapon.
Paliwanag ni Gen. Marbil, nais niyang makita ang presensya ng mga pulis partikular na sa mga komunidad sa buong bansa gayundin ay maramdaman sila ng taumbayan.
Giit pa niya, nagawa na niya ito noong siya pa ang Direktor ng Police Regional Office 8 o Eastern Visayas kaya’t nais niya itong gawin ngayong siya na ang PNP chief.
Sa ilalim ng bagong direktiba, bawal gumamit ng cellphone ang mga pulis lalo na iyong mga nakatalaga sa beat patrolling upang hindi malihis ang kanilang atensyon. | ulat ni Jaymark Dagala