Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office (FEO) ang possibleng pag-kansela sa License to Own and Possess Firearms (LTOPF) ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan kahapon.
Ayon kay Fajardo, base sa records ng FEO, 19 na baril ang naka-rehistro kay Quiboloy, kung saan isa ang napaso ang lisensya noong Marso, ng taong kasalukuyan.
Pinag-aaralan aniya ng FEO kung maaring gawing basehan ng pagkansela ng LTOPF ang hindi pag-re-renew ng lisensya ng baril.
Paliwanag ni Fajardo, nakasaad sa RA 10591 o comprehensive firearms and ammunitions law of 2012 ang mga dahilan na pwedeng gawing basehan ng pagkansela ng LTOPF, kung saan kabilang ng pagkaka-convict sa “crimes of moral turpitude”.
Dahil sa hindi pa convicted si Pastor Quiboloy sa kinakaharap niyang kasong sexual abuse, hindi aniya ito pwedeng gawing basehan ng pagkansela ng LTOPF. | ulat ni Leo Sarne