Asahan ang mas mabigat na trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Ito ang inihayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairperson Atty. Romando Artes, kasunod na rin ng mga hindi natapos na mga paghuhukay sa ilang pangunahing kalsada ng dalawang contractor na HGC Global Communications Inc. at Rlink Corp.
Nabatid na nasa 24 sa 40 na mga hukay ang hindi natapos ng dalawang kontraktor sa kahabaan ng EDSA, partikular na sa Balintawak hanggang Shaw Southbound.
Kaugnay nito, nagkasundo na ang MMDA na at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang magtutuloy ng proyekto upang tabunan ang mga butas at hukay na iniwang nakatiwangwang ng dalawang kompanya.
Ayon kay Artes, posibleng tumagal ng tatlo hanggang tatlong araw ang pagtatakip sa mga hukay, depende pa gagawing assessment ng DPWH.
Nauna rito, sinabi na ni Artes na papatawan ng multa ng MMDA ang dalawang kontraktor na nasa P50,000 kada hukay na hindi nila nagawa, kada araw. | ulat ni Diane Lear