Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at lahat ng lokal na pamahaalan sa Metro Manila na bigyan pa ng palugit ang pagdaan ng e-bikes, e-trikes at iba pang kahalintulad na sasakyan sa ilang tukoy na daan sa Metro Manila.
Kung matatandaan, epektibo nitong April 15, ang pagbabawal sa pagdaan ng mga sasakyang ito sa mga kalsada, tulad sa EDSA, Taft Avenue, Roxas Boulevard, Mindanao Avenue, at iba pa.
“Batay na rin sa rekomendasyon na aking natanggap, mananatiling bawal ang mga natukoy na sasakyan sa ilalim ng MMDA Regulation No. 24-022 series of 2024 sa mga piling pangunahing lansangan,” —Pangulong Marcos.
Sabi ni Pangulong Marcos, kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa information dissemination kaugnay sa ban na ito.
“Kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban na ating ipinapatupad,” — Pangulong Marcos.
Sa loob ng grace period na ito, hindi muna dapat bigyan ng ticket, pagmultahin, o i-impound ang mge e-trike.
Kung paparahin man aniya ang mga nagmamaneho ng mga nabanggit na sasakyan, dapat ay upang maipabatid sa mga ito ang bagong patakaran na ito ng gobyerno.
“Kung paparahin man sila, ito ay upang maayos na maituro ang mga kalsadang maari nilang gamitin, pati na ang pagpapaalala ng mga bagong patakaran na ipinapatupad upang paigtingin ang kaligtasan at kaayusan sa mga langsangan.” — Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan