Ibinida ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang partisipasyon ng PNP Special Action Force (SAF) sa Balikatan Exercise bilang demonstrasyon ng commitment ng PNP na palakasin ang kanilang “partnership” sa pagsulong ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Ayon kay Gen. Marbil handa ang PNP na makilahok sa pinakamalaking pagsasanay militar ng Pilipinas at Estados Unidos na pormal na nagbukas kahapon.
Una nang inanunsyo ni SAF Director Police Major General Bernard Banac na 156 na SAF Troopers ang lalahok sa pagsasanay.
Bilang paghahanda sa Balikatan, nagsagawa ng lokal na pagsasanay ang SAF sa “rapid deployment by air” kabilang ang Basic Airborne Course Class 57-2024, na personal na binisita ng PNP Chief sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa City, Laguna noong April 11. | ulat ni Leo Sarne
📸: PNP-PIO