Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Police Major Gen. Rommel Francisco Marbil bilang ika-30 hepe ng Philippine National Police.
Si Gen. Marbil ang pumalit sa nagretiro nang si Gen. Benjamin Acorda Jr. na nagsilbi bilang PNP Chief sa loob ng 11 buwan.
Sa mensahe ng Pangulo sa isinagawang Change of Command ceremony sa Kampo Krame ay sinabi nitong buo ang kaniyang suporta sa liderato ni Gen. Marbil.
Direktiba ng Presidente kay Marbil, ibigay ang pinakamainam na serbisyo sa mga Pilipino at maging “agents of progressive transformation” ang mga pulis sa ilalim ng bagong pamunuan nito.
Ito’y sa pamamagitan na matiyak na ligtas ang bawat komunidad sa bansa.
Kasama din sa direktiba ng Pangulo na paigtingin ang kampanya kontra ‘transnational crime’ at ‘cyber crime’.
Sa kabilang dako’y pinuri din ng Pangulo ang naging serbisyo ni Gen. Acorda sa PNP na sa ilalim ng pamumuno nito ay napalakas ang information technology at community relations habang naiakyat din nito ang PNP bilang 3rd highest performing government agencies sa 2023 na may 76% trust rating. | ulat ni Alvin Baltazar