Paalis sa darating na Miyerkules, April 10, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungong Washington, DC para sa kanilang trilateral meeting nina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Sa Malacañang briefing, sinabi ni DFA Acting Undersecretary Hans Mohaimin L. Siriban na maituturing na ‘historical’ ang nasabing pagpupulong gayung ito ang unang pagkakataon na magpupulong ng sama-sama ang mga nabanggit na lider.
Paglilinaw ni Siriban, hindi pakay ng trilateral meeting na patungkulan ang alinmang bansa gayung ang pag-uusapan naman dito bukod sa peace and security ay ang may kinalaman sa economic cooperation.
Isa naman sa inaasahang highlight ng pulong ng tatlong lider ay ang joint vision statement ng mga ito.
Kaugnay nito’y may bukod pang pagpupulong sina Pangulong Marcos Jr. at US President Joe Biden habang may nakalinya ring business meetings ang Punong Ehekutibo sa kaniyang biyahe sa Washington sa susunod na linggo. | ulat ni Alvin Baltazar