Inabisuhan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang publiko na mag-ingat sa “middleman scam” sa Facebook marketplace at iba pang online-selling platform.
Ito’y matapos na maaresto ng ACG sa entrapment operation ang isang alyas Juan na nagpanggap na nagbebenta ng internet modem sa Facebook Market Place.
Nakumbinsi ng suspek ang kanyang biktima na bayaran ang inorder nitong 10 modem sa pamamagitan ng e-wallet, at ginamit ng suspek ang transaction receipt para makipagtransaksyon sa lehitimong seller.
Natuklasan ang scam nang maberipika ng lehitimong supplier na walang perang pumasok sa kanyang account, at na-trace ang scammer sa tulong ng delivery rider.
Sa isang statement, ipinaliwanag ni ACG Director Police Maj. General Sydney Sultan Hernia na sa naturang scam ay nakukuha ng scammer ang pera ng lehitimong buyer at produkto ng lehitimong seller.
Payo ni Hernia sa publiko, beripikahin mabuti ang mga online seller at buyer sa pamamgitan ng kanilang user rating at review, iwasang makipagtransaksyon sa mga “intermediary” o “facilitator”, at gumamit ng payment methods na mayroong “buyer protection”. | ulat ni Leo Sarne