Hinimok ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Senadora Pia Cayetnao ang Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa Philippine National Police kaugnay ng pagbabawal ng paggamit ng mga vape sa mga indoor public spaces.
Binigyang diin ni Cayetano na nakasaad sa Republic Act 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act na bawal ang gumamit ng vape sa loob ng mga pampublikong establisyimento.
Base sa batas, may multang mula limang libong piso hanggang dalawampung libong piso ang lalabag sa probisyong ito ng batas
Sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na nakipag-ugnayan na siya sa PNP tungkol dito.
Tugon aniya ng PNP, kailangan nila ng omnibus guidelines para maipatupad nila ang batas at para na rin maiwasang maabuso ito gay na lang ng pangongotong sa mga nagtitinda ng vape.
Gayunpaman, giniit ni Cayetano na nakasaad sa batas na hindi na kailangan ng guidelines o kahit ng ordinansa mula sa mga lokal na pamahalaan para kumilos ang kapulisan. | ulat ni Nimfa Asuncion