May apela ang Philippine National Police (PNP) kay Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy, lumutang na at harapin sa korte ang mga paratang laban sa kaniya.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo matapos maisilbi ng mga awtoridad sa kampo ni Pastor Quiboloy ang warrant of arrest na inilabas laban sa kaniya ng Davao City Regional Trial Court.
Ayon kay Fajardo, nais nilang maging maayos at mapayapa ang pagpapatupad ng batas at ayaw nilang humantong sa gulo ang isyu lalo’t maraming tagasunod at tagasuporta ang naturang Church leader.
Giit pa niya, sumusunod lamang sila sa utos ng korte kaya’t nararapat lamang ding sumunod dito ni Quiboloy bilang mamamayan ng Pilipinas.
Dagdag pa ni Fajardo, hindi naman itinuturing na “armed and dangerous” ang Pastor lalo’t wala naman silang natatanggap na ulat na mayroon itong private armed group.
Una rito, sumuko at nakapagpiyansa na ang limang kapwa akusado ni Quiboloy sa kasong sexual at child abuse na isinampa laban sa kanila habang tanging ang Pastor na lamang ang nananatiling at large. | ulat ni Jaymark Dagala