Umaaray na ang mga nagtitinda ng karne ng baboy sa Marikina City Public Market dahil sa nananatili pa ring mahal ang bentahan nito.
Sa pagbabantay ng Radyo Pilipinas, aabot sa Php 320 ang presyo ng kada kilo ng kasim habang nasa Php 380 o halos Php 400 na ang presyo ng kada kilo ng liempo.
Ayon sa mga nagtitinda, kung dati ay nakakaubos sila ng 2 katay ng baboy sa isang araw, ngayon ay hanggang 1 buong baboy na lang ang kanilang naibebenta.
Nakdagdag din sa matumal na bentahan ng karne ng baboy ay ang pag-usbong ng mga talipapa gayundin ang pamamayagpag ng frozen meat na di hamak na mas mura kaysa sa sariwang karne.
Una nang inihayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura na may nakita silang pagtaas sa farmgate price ng baboy dahil sa mahal na presyo ng feeds gayundin ng gasolina. | ulat ni Jaymark Dagala