Pormal nang mamamaalam si Police General Benjamin Acorda Jr. bilang ika-29 na pinuno ng Philippine National Police (PNP) ngayong araw
Ito’y matapos ang tatlong buwang extension na ibinigay sa kaniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para pamunuan ang mahigit sa 200,000 miyembro ng Pambansang Pulisya.
Isasagawa ang retirement honors para kay Acorda sa Transformation Oval ng Kampo Crame ganap na alas-9 ng umaga.
Sa ilalim ng pamumuno ni Acorda, nakilala siya bilang “humble servant” kung saan, kaniya ring ipinakilala ang “serbisyong nagkakaisa.”
Gayunman, wala pa ring napipisil si Pangulong Marcos na papalit kay Acorda kaya’t pansamantala munang itinalaga nito si Police Lieutenant General Emmanuel Peralta na siyang kasalukuyang Deputy Chief PNP for Administration bilang Officer-In-Charge.
Pero ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, tuloy pa rin ang trabaho sa PNP sa kabila ng mga pagbabagong ito at hindi sila mananawang suportahan ang sinumang mamumuno sa kanila. | ulat ni Jaymark Dagala