Hindi bababa sa limang sasakyan ang nasita ng mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation (SAICT) sa isinagawa nitong operasyon sa EDSA Busway partikular sa bahagi ng Mandaluyong City.
Kabilang na rito ang apat na sasakyang may PNP markings at isang SUV na may plakang “7” na laan para sa mga senador.
Hindi na nagpaunlak ng panayam ang driver ng SUV na may plakang “7” at sa halip, nag-iwan lang ito ng lisensya at habang siya’y iniisyuhan ng ticket ay bigla itong humarurot papalayo.
Katuwiran naman ng mga PNP marked vehicle, batid naman nilang bawal ang pagdaan sa busway subalit napilitan sila dahil sa sila’y nagmamadali.
Subalit ilan sa mga PNP marked vehicle na nahuli ay may sakay pang kamag-anak, patunay na hindi responde ang kanilang biyahe.
Batay sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), P5,000 ang multa sa sinumang drayber dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA Busway. | ulat ni Jaymark Dagala