Sinang-ayunan ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang inilabas na pahayag ng Department of Justice (DOJ) na kakasuhan nila ang sinumang kawani ng gobyerno na makikipagtilungan sa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay sa gitna ng mga report na ilang PNP officials ang nakipag-usap sa ICC bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Dela Rosa, maituturing na pagsuway sa polisiya ng gobyerno kung totoo mang may mga pulis na nakipag-usap sa ICC.
Pinunto ng senador ang una nang paninindigan ng ating pamahalaan na hindi na makikipagtulungan at wala nang hurisdiksyon ang ICC sa ating bansa mula ng kumalas tayo dito.
Tiwala aniya ang mambabatas sa pahayag ng DOJ na walang nangyayaring kooperasyon at imbestigasyon ang ICC dito sa ating bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni dela rosa na walang lumapit o kumontak sa kanya mula sa ICC.
Matatandaang si Dela Rosa ang PNP chief noong pinatupad ang iniimbestigahang war on drugs ng nakaraang administrasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion