Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang ulat sa pagdagsa ng mga dayuhang estudyante sa Cagayan.
Base sa report, nagbabayad umano ang mga dayuhang estudyante ng hanggang P2 milyong para magkaroon ng degree.
Ayon kay Gatchalian, bagamat sinusuportahan niya ang internationalization ng higher education institutions sa Pilipinas, mahigpit naman niyang tinututulan ang posibleng pagkalat ng diploma mill sa ating bansa.
Binigyang-diin ng senador, na ang pagbebenta ng diploma o ng degree ay kontra sa pagsisikap ng gobyerno na maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Inirekomenda pa ng mambabatas sa CHED, na magpatupad ng parusa sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at kanilang mga opisyal na kumukonsinte sa ganitong mga aktibidad.
Dapat aniyang maging malinaw ang mensahe ng ating bansa sa buong mundo, na ang mga diploma mula sa HEIs ng Pilipinas ay hindi ipinagbibili.
Una nang isiniwalat ng isang UP professor na may mga impormasyon silang natanggap na dagsa ang mga Chinese student sa Cagayan, na nagbabayad ng hanggang P2 milyong para makakuha ng degree kahit hindi naman sila pumapasok sa unibersidad. | ulat ni Nimfa Asuncion