Nanawagan si Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Senadora Imee Marcos sa administrasyon na magpatupad ng mas diplomatikong hakbang sa China sa gitna ng tumataas na tensyon sa West Philippine Sea.
Hinikayat ni Marcos si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpatuloy ang negosasyon sa China at huwag pansinin ang anumang foreign interference.
Giit ng senadora, ang pagpapairal ng emosyon kaysa sa rason sa pagharap ng maritime conflict natin sa China ay maaaring maghatid sa atin sa isang mapanganib na landas.
Ipinunto pa ng mambabatas na malayo pa sa pagiging self-reliant ang defense posture ng Pilipinas.
Paglilinaw ni Senadora Imee, hindi dapat isuko ng ating bansa ang ating karapatan sa West Philippine Sea…
Gayunpaman, dapat aniyang manaig pa rin ang kalmadong pag-iisip, mahinahong pananalita at kalkuladong mga desisyon.
Nagsisimula aniya ito sa maayos na pakikipag-usap sa China at iba pang mga bansang claimant din ng mga isla at iba pang features sa West Philippine Sea.
Iginiit ng mambabatas na hindi dapat magpadalos-dalas para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion