Sen. JV Ejercito, naghain ng resolusyon para maimbestigahan na sa Senado ang napaulat na sabwatan ng ilang doktor at pharma companies sa pagrereseta ng mga gamot

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naghain na si Senador JV Ejercito ng resolusyon para makapagkasa ng Senate inquiry tungkol sa napapaulat na nangyayaring ‘pyramid scheme’ na kinasasangkutan ng mga doktor at mga pharmaceutical company.

Una nang napaulat na ilang pharma companies ang nagre-recruit ng mga doktor para ireseta sa mga pasyente ang kanilang mga produkto, kapalit naman nito ay binibigyan ng mga kumpanya ang mga doktor ng luxury goods, biyahe abroad at iba pang mga insentibo.

Ipinunto ng senador, na ang naturang sabwatan ay nagreresulta sa dagdag na gastos ng mga pasyente…bagay na labag sa intensyon ng Universal Health Care Act o Republic Act 11223.

Minamandato rin ng UHC law, na dapat i-report ng lahat ng mga manufacturer ng mga gamot, medical devices at supplies sa Department of Health (DOH) ang kanilang financial relationships sa healthcare professionals at healthcare providers.

Labag rin aniya ang naturang kalakaran sa Cheaper Medicines Law, na nagmamandato sa mga doktor na ireseta ang mga generic, accessible, at murang mabisang gamot.

Pinaliwanag ni Ejercito, na isinusulong niya ang imbestigasyon sa isyung ito para mapanatili ang karangalan at integridad ng medical profession. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us