Umaasa si Senate Committee on Environment chairperson Sen. Cynthia Villar na sa pamamagitan ng suporta ng pamahalaan ay maayos na masisimulan ng mga apektadong indibidwal sa Sitio Kapihan ang kanilang buhay.
Ang pahayag na ito ni Villar ay kasunod ng tuluyang pagkansela ng Department of Environment and Natural Resourcs (DENR) sa Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) ng sinasabing kulto na Soccoro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Nagpahayag ng suporta ang senadora sa mga hakbang ng pamahalaan na maghanap ng nararapat na relokasyon para sa mga biktima ng kulto.
Nakakapanglakas ng loob aniya na nagbibigay ng tulong ang mga ahensya ng gobyerno gaya ng DSWD, DOLE at lokal na pamahalaan ng probinsya ng Surigao del Norte sa mga biktima.
Sinabi ng mambabatas na ang pagkansela ng PACBRMA ng SBSI ay long-overdue action na bilang marami na itong nagawang paglabag sa naturang kasunduan.
Kung napanatili lang aniya ng DENR ang mahigpit na pagbabantay at kung nagkaroon ito ng episyenteng sistema sa pag-monitor ng ating mga protected areas at mga kasunduan ay hindi na sana nabuo at lumaki pa ang naturang kulto.
Binigyang diin ni Villar na dapat magsilbing leksyon na ang mahigpit na pagpapatupad ng mga kasunduang may kaugnayan sa mga protected area ng bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion