Nananatiling mura ang presyo ng itlog sa mga pamilihan subalit kapansin-pansin na may mga pagbabago sa sukat nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Pasig City Mega Market, bahagyang lumiit ang sukat ng itlog bunsod na rin ng mainit na panahon na pinalala pa ng epekto ng El Niño.
Batay sa monitoring, bumaba ng mahigit Php 10 ang kada tray ng itlog kaya’t may mabibili ng Php 5 kada piraso ang maliliit na itlog.
Habang nasa Php 7 naman ang medium size, Php 8 ang large at Php 9 naman ang presyo ng pinakamalaking itlog.
Paliwanag naman ng mga nagtitinda ng itlog, bagaman lumiit ang sukat ay nananatili naman ang timbang nito.
Gayunman, aminado silang may epekto ang mainit na panahon sa produksyon ng itlog tuwing tag-init kumpara sa panahon ng tag-ulan na mas malalaki ang sukat ng itlog dahil malamig at hindi ‘stressed’ ang mga pangitluging manok. | ulat ni Jaymark Dagala