Inihahanda na ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang kanilang ipaaabot na tulong sa mga residenteng nawalan ng tahanan matapos sumiklab ang sunog sa Brgy. Batis kahapon (Abril 16).
Sa inilabas na pahayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora ngayong araw, maliban sa tulong medikal, ikinakasa na rin ng pamahalaang lungsod ang tulong pinansyal sa mga nasunugan.
Tiniyak ni Mayor Zamora na ipamamahagi ang nasabing tulong sa lalong madaling panahon upang makapagsimulang muli ang mga pamilyang nawalan ng tahanan.
Aabot sa mahigit 100 pamilya o katumbas ng 312 na indibdwal ang apektado ng nasabing sunog na umabot sa ikatlong alarma at naapula matapos ang mahigit kalahating oras.
Gayunman, walang binanggit ang pamahalaang lungsod sa kung magkano ang tulong pinansyal ang kanilang ipamamahagi. | ulat ni Jaymark Dagala