Binigyang diin ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pangangailangan ng aksyon ng gobyerno para tulungan ang mga mahihirap na sektor lalo na ang mga magsasaka, mula sa epekto ng mahabang ‘dry spell’ na nararanasan ng bansa.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng ulat ng PAGASA na nasa 31 na probinsya sa bansa ang nakararanas ng tagtuyot, bagay na labis namang nakakaapekto sa agricultural productivity at nagpapataas ng presyo ng pagkain at essential goods.
Kaugnay nito, isinusulong ni Go ang pagpapabuti ng suporta para sa maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming agrarian inputs.
Kabilang na aniya dito ang mga fertilizer, pesticides at drought-resistant seeds.
Isinusulong rin ng senador ang libreng training at pagpapautang sa mga magsasaka ng may mababang interes.
Iminumungkahi rin ni Go sa ehekutibo na mamigay ng financial aid sa mga magsasaka at sa iba pang nangangailangan gamit ang iba’t ibang social programs na napondohan sa ilalim ng 2024 national budget.
Ipinunto ng mambabatas na kapag masaya ang mga magsasaka ay gaganda ang kanilang produksyon, mas maraming maaani at mas mumura ang mga pagkain. | ulat ni Nimfa Asuncion