Sinibak sa pwesto ang 2 tauhan ng Special Action Force (SAF) matapos arestohin kaugnay ng kasong alarm and scandal noong Mayo 18 sa Ayala Alabang village.
Sa ulat ni SAF Director Police Brig. General Mark Pespes na nakarating sa Camp Crame, kasama din sa sinibak ang 7 iba pang SAF personnel na may direktang superbisyon sa dalawang SAF trooper, kabilang ang Battalion Commander, mga Company Commander, at mga Platoon Leader.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, inaresto ng mga tauhan Ayala-Alabang Police Sub-Station 5 ang dalawang SAF trooper matapos na ireport ng mga guardya ng subdivision ang panggugulo ng mga ito.
Binigyang diin ni BGen. Pespes na “zero tolerance” ang ipinatutupad ng SAF sa anumang ilegal na aktibidad o hindi tamang pagkilos ng kanilang mga tauhan.
Tiniyak pa ni Bgen. Pespes na sineseryoso nila ang insidente at papatawan ng kaukulang “disciplinary measures” ang sinumang lumabag sa mga regulasyon sa kanilang hanay. | ulat ni Leo Sarne