Nahaharap sa reklamong usurpation of authority at illegal use of uniform or insignia ang 2 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito’y makaraang mahuli sila ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group – National Capital Region (HPG-NCR) sa ikinasang “Oplan Wastong Hagad” operation sa bahagi ng Diokno Boulevard sa Parañaque City.
Ayon kay HPG-NCR Director, PCol. Neil Francia, gumamit ng “Police” at “Master Rider’s badge” markings sa kanilang motorsiklo ang mga nahuling tauhan ng MMDA na nabatid na escort ng isang mataas na opisyal ng Pamahalaan.
Ayon kay Francia, pinapara nila sa operasyon ang lahat ng mga sasakyang gumagamit ng blinker alinsunod na rin sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pero nang maharang ang 2 escort, nabisto ng mga ito na hindi pala sila tunay na Pulis kungdi mga tauhan ng MMDA.
Paliwanag naman ni Francia, hindi bawal ang pag-eescort sa mga Pulitiko kung may ligal itong batayan pero ang ipinagbabawal ay ang hindi tamang paggamit ng “Police” markings kung hindi naman talaga Pulis.
Una nang iginiit ni Pangulong Marcos sa mga opisyal at kawani ng Pamahalaan, inihalal man o hindi na magsilbing mabuting halimbawa sa publiko sa pamamagitan ng pagsunod sa batas trapiko. | ulat ni Jaymark Dagala