Nakapagtala ng tatlong phreatic events ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Bulkang Taal sa Batangas, simula kahapon hanggang kaninang umaga.
Ayon sa Phivolcs, dalawang phreatic eruption o pagbuga ng usok ang naitala mula sa main crater ng Bulkang Taal kahapon, May 15.
Tumagal ng limang minuto ang phreatic event habang dalawang minuto naman ang itinagal ng isa. Ito ay may taas na 500 meters.
Habang kaninang alas-8:54 ng umaga ay nakapagtala rin ng phreatic eruption sa Bulkang Taal na tumagal ng tatlong minuto at may taas na 300 meters ang steam plume.
Sa kabila ng mga aktibidad ng Bulkang Taal, nananatili pa rin ito sa Alert Level 1. | ulat ni Diane Lear