Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang mahigpit na accounting ng lahat ng pulis bilang pangontra sa “moonlighting activities” ng ilan nilang mga tauhan.
Ang kautusan ng PNP Chief ay kasunod ng pagkakahuli noong Lunes sa Parañaque kay Staff Sergeant Rafael Boco Jr. na naka-assign sa motorcycle unit ng Highway Patrol Group (HPG) NCR, na nagbibigay ng VIP security escort kasama ang isang na-dismiss na sundalo.
Nauna rito, dalawang tauhan naman ng Special Action Force (SAF) ang nahuling nagsisilbing private security ng isang dayuhan sa Ayala Alabang.
Ayon sa PNP Chief, may mali sa accounting ng PNP kung nakakapag-sideline ang ilang mga pulis sa oras ng kanilang trabaho.
Sinabi ng PNP Chief na inatasan na niya ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at PNP Internal Affairs Service (IAS) na bumuo ng mga hakbang para maiwasang maulit ang mga ganitong insidente.
Nilinaw din ni Gen. Marbil na hindi masama sa mga pulis ang magkaroon ng negosyo o iba pang pagkakakitaan basta’t itoy sa labas ng kanilang “duty hours” at walang “conflict of interest” sa kanilang trabaho. | ulat ni Leo Sarne