Matagumpay na naisagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang aerial resupply operation sa Patag Island nitong April 27, 2024.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, ginamit ang Philippine Air Force NC212i aircraft sa pagdala ng essential goods kasama na ang mga pagkain at gamot sa mga sundalo na naka-deploy sa naturang isla.
Isinagawa ang exercise sa dalawang magkahiwalay na cargo drop scenarios kung saan ang una ay direktang inihulog ang cargo sa isla sa pamamagitan ng parachute habang ang isa ay inihulog sa karagatan at ni-retrieve ng kanilang personnel.
Ayon kay Trinidad ang nasabing paraan ng aerial resupply ay bahagi ng operational mix options ng AFP para sa mga ground commander upang masiguro ang kapakanan ng mga tropa na nakatalaga sa West Philippine Sea.
Isinagawa ang aerial resupply exercise bilang isang unilateral event habang isinasagawa ang Multilateral Maritime Exercise sa bahagi ng WPS. | ulat ni Leo Sarne
📸: AFP Western Command