Suspindido ang biyahe ng ilang bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil sa patuloy na epekto sa panahon ng Bagyong Aghon.
Sa huling anunsiyo ng PITX, walang biyahe ngayong araw ang bus company na Roro Bus na biyaheng San Jose, Mindoro hanggang sa huling dapat na biyahe nito ng 8:00 ng gabi, gayundin ang biyahe nito pa-Masbate kaninang 12:00 ng tanghali.
Ang Jam na biyaheng Lucena, nagsuspinde na rin ng biyahe nito simula kaninang 10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon.
Ceres na biyaheng Iloilo City na nakansela ang biyahe kaning 10:00 ng umaga at Silverstar na biyaheng Tagbilaran, Maasin, at Laoang kaninang 10:00 din ng umaga.
Nagsuspinde rin ang Ceres at Om transport na kanilang biyaheng San Jose, Mindoro kaninang umaga pero tentative pa kung tuluyang isususpinde ang biyahe para sa mamayang hapon hanggang sa gabi.
Wala na ring biyahe ang mga bus ng AB Liner at Barney na biyaheng Guinayangan, Calauag, San Andres, at Sta. Elena sa Quezon, ayon sa pamunuan ng PITX.
Wala naman umanong stranded sa ngayon sa PITX matapos magsiuwi ang mga ito habang lumipat naman ng biyahe ang ilan.
Sa mga pantalan naman, as of 12:00 ng tanghali aabot na sa 4,801 ang na-stranded dahil sa pagtama ng Bagyong Aghon.
Pinakamarami ang mga stranded sa PMO Batangas sa 2,189; na sinundan ng PMO NCR North sa 1,096, PMO Agusan sa 800; PMO MarQuez sa 675; at PMO Panay/Guimaras sa 41.
Sa mga paliparan naman, nananatili pa rin sa walo ang suspindidong mga flight ayon sa pinakuling tala ng Manila International Airport Authority (MIAA) as of 2:00 am, na kinabibilangan ng:
CEBGO
DG 6031/6032: Manila –San Jose – Manila
DG 6113/6114: Manila – Naga – Manila
DG 6117/6118: Manila – Naga – Manila
Cebu Pacific (5J)
5J 821/822: Manila – Virac – Manila
Samantala, pansamantala namang limitado ang operasyon ng LRT-1 magmula 10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon dahil sa electrical fault sa Baclaran station, ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Dahil dito magmula sa FPJ Station hanggang Gil Puyat muna ang mga biyahe ng mga tren pa-southbound habang mula Vito Cruz hanggang FPJ Station naman ang pa-northbound sa panahong kinukumpuni ang problema sa kuryente sa istasyon ng Baclaran.
Sa ngayon, napapanatili pa rin ng Bagyong Aghon ang lakas nito habang nasa vicinity ng Mauban, Quezon Province. Ayon sa pinakahuling tala ng PAGASA, sa heavy rainfall outlook nito, as of 2pm, asahan ang malakas na pag-uulan mula ngayong araw hanggang bukas ng hapon sa mga lalawigan ng Quezon, Aurora, eastern portion ng Bulacan, Rizal, Laguna, Metro Manila, at Camarines Norte.
Gayundin sa mga karatig lugar, kasama ang ilang lalawigan sa CALABARZON, Central Luzon, Bicol, Cagayan Valley, at piling lalawigan sa silangang bahagi ng MIMAROPA at Western Visayas.| ulat ni EJ Lazaro