Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang Canadian national na itinuturong sangkot sa pagkakasabat ng 1.4 toneladang shabu sa Alitagtag, Batangas kamakailan.
Ito’y kasunod ng ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division ng National Capital Region Police Office, Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 4A o CALABARZON at Bureau of Immigration.
Batay sa ulat na ipinarating sa Kampo Crame, isinagawa ang operasyon kagabi sa Brgy. Maitim 2, Tagaytay City kung saan, naaresto si Thomas Gordan alyas James Martin.
Nakuhanan ng iligal na droga si Martin subalit hindi pa isinapubliko ang halaga.
Magugunitang nakatakas ang suspek noong Abril 19 matapos ang isinagawang raid ng Nasugbu Municipal Police Office sa isang bahay nito sa Batangas.
Si Martin ay kasalukuyang wanted sa bisa ng Red Notice na inilabas ng International Police Organization o INTERPOL. | ulat ni Jaymark Dagala