Ini-ulat ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na isang opisyal ng Pamahalaan ang dumaan sa EDSA Busway.
Batay sa ulat ng SAICT, pinara ng kanilang mga tauhan ang isang kulay puting “Ford Ranger” dakong alas-11:28 kagabi sa bahagi ng EDSA-Ortigas northbound.
Pero sa halip na umamin sa pagkakamali ay nangatuwiran pa ang nagmamaneho ng sasakyan at nagpakilala pang taga-Department of Transportation (DOTr).
Nagbitaw pa driver ng hinuling sasakyan ng katagang “Hindi ako daraan dito kung hindi ako taga DOTr”.
Kinuha pa ng driver ang kaniyang wallet at naglabas ng calling card kalakip ang pangalan ni Philippine National Railways Chairman Michael Ted Macapagal.
Hiningi ng enforcer ang OC/CR ng opisyal para sa verification subalit nagalit pa ito at iginiit na siya’y taga-DOTr at sabay hinarurot ang sasakyan paalis.
Dahil dito, nagpadala na ng request ang SAICT sa Land Transportation Office (LTO) para maglabas ng show cause order laban dito.
Nang kunan naman ang panig ni Macapagal, mariin nitong itinanggi na sa kaniya ang nahuling pick-up at siya ang nagmamaneho noon.Aniya, batid naman niya ang pananagutan bilang isang opisyal ng Pamahalaan na dapat maging mabuting halimbawa kaya’t isusumite nito ang kaniyang sarili sa DOTr para maglahad ng kaniyang panig. | ulat ni Jaymark Dagala