Muling nagbabala ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa sinumang magtatangkang magbenta o bumili ng sanggol online.
Kasunod ito ng pagkaaresto ng dalawang indibidwal na kinilalang si Arjay Malabanan , 37 taong gulang at residente ng Bacoor, Cavite at Ma. Chariza Rivera Dizon, 29 taong gulang, residente ng Tondo, Manila at ang nanay mismo na nagbenta ng sariling sanggol na walong araw pa lamang ang edad.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, naaresto noong May 15 ang dalawa sa isang entrapment operations sa simbahan sa Dasmariñas katuwang ang Philippine National Police Women and Children Protection Center kung saan tinangkang ibenta ng P90,000 ang sanggol.
Nasa pangangalaga na ngayon ng child care facility na katuwang ng DSWD ang nailigtas na sanggol habang ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na rin ng PNP at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9208 as amended by RA 10364 as further amended by RA 11862, particularly Sections 4(g) and 6 (a) and (o) at RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act Sec. 10 (a).
Giit ni Sec. Gatchalian, hindi katanggap tanggap na ibenta at gawing tila isang produkto ang isang bata o sanggol.
Hindi rin umano titigilan ng DSWD hanggat hindi mapapanagot ang lahat ng nasa likod ng ganitong iligal na gawain.
Sa ngayon, mayroon pang 20-40 facebook pages na may modus na iligal na bentahan o ampunan ng bata ang binabantayan ng DSWD. Nakikipagugnayan na rin ito sa FB management para matigil na ang operasyon ng mga naturang fb pages.
Patuloy rin nitong hinihikayat ang publiko na sumangguni sa lehitimong proseso ng pagaampon sa pamamagitan ng National Authority on Child Care (NACC). | ulat ni Merry Ann Bastasa