Agad na nakapagpadala ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga rehiyong apektado ng bagyong Aghon.
Batay sa pinakahuling ulat ng DSWD, nasa higit ₱1.3-milyong halaga na ng assistance ang naipaabot nito sa mga tinamaan ng kalamidad.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary for DRMG Irene Dumlao, kabilang ang Bicol Region sa nahatiran na ng nasa ₱972,000 halaga ng tulong na inilaan sa mga apektadong pamilya sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes, at Sorsogon.
Kabilang sa ipinamamahagi nitong relief package ang food packs, hygiene kits, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga inilikas na pamilya.
Sa ngayon, patuloy na nakatutok ang DSWD sa iba pang lugar na tinamaan ng bagyo kabilang ang CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Nakikipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa mga LGU para sa ilalaang assistance sa mga naapektuhang pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa