Pinapurihan ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang nilagdaang kasunduan ng East Avenue Medical Center (EAMC) at Passion Healthcare Philippines Inc. (PHPI) upang tulungan ang mga mahihirap na pasyente para sa kanilang hemodialysis.
Pangunahing itinulak ng mambabatas ang ugnayan ng East Avenue at PHPI kung saan ang pasyente ire-refer ng ospital sa naturang private health care provider ay bibigyan ng tulong pinansyal sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program.
“We want to assure disadvantaged patients convenient access to adequate and continuous hemodialysis treatment services during high demand. We do not want patients in wheelchairs lining up for hours waiting for hemodialysis appointment slots to open up,” sabi ni Rillo.
Isa si Rillo sa mga mambabatas na masugid na isinusulong ang kapakanan ng mga pasyente na makatanggap ng angkop na serbisyong medikal.
Una nang naglunsad ng libreng hemodialysis treatment si Rillo sa UP Campus sa tulong rin ng isang licensed facility. | ulat ni Kathleen Forbes