Umabot sa 248 motor vehicles ang nahuli ng Land Transportation Office (LTO) sa pinaigting nitong kampanya kontra colorum sa nakalipas na buwan ng Abril.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, sa datos ng kanilang regional offices, lumalabas na ang Calabarzon ang may pinakamalaking bilang ng mga nahuli na umabot sa 101.
Kabilang naman sa mga nahuli ang 84 vans na napag-alamang colorum at nagsasakay ng mga pasahero kahit walang permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Huli rin ang ang 20 trucks, 12 jeepneys at 10 buses habang nasa 93 motorsiklo ang natiketan dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas trapiko.
Sinabi pa ni Asec. Mendoza na 57 motor vehicles ang diretso na sa impound dahil sa mga seryosong violations kabilang ang kawalan ng permit.
Pinuri naman ng opisyal ang lahat ng regional directors ng LTO sa aktibong suporta sa kampanya ng pamahalaan kontra colorum.
“Our aggressive operation is also in line with the directive of Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista to further intensify the drive for road safety, especially this month of May which was declared as Road Safety Month,” Asec. Mendoza.
Kasunod nito, nanawagan ito sa publiko na i-report sa LTO ang anumang operasyon ng colorum vehicles. | ulat ni Merry Ann Bastasa
: LTO-Calabarzon