Mayroon nang higit sa 12,000 pamilya o katumbas ng 26,726 na indibidwal ang apektado ng pag-ulang dulot ng bagyong Aghon.
Batay yan sa pinakahuling datos mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Disaster Response Operations Monitoring and Information Center.
Kabilang sa mga rehiyong apektado ang CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas.
Kaugnay nito, aabot na rin sa higit 2,500 pamilya o 8,839 indibidwal namang apektado ang nananatili sa ngayon sa 165 evacuation centers habang nasa higit 5,000 indibidwal din ang pansamantalang lumikas sa mga kaanak.
Mayroon ding naitalang apat na tahanang napinsala habang 18 ang partially damaged.
Patuloy namang nakatutok ang DSWD sa mga apektado ng bagyo na nakapaglaan na rin ng inisyal na ₱1.3-milyong halaga ng assistance.
Nananatili ring available ang nasa ₱608-million standby funds at 1.6 milyong food packs na naka-posisyon na sa iba’t ibang lokasyon sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa