Pinangunahan ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang pagdiriwang ng ika-41 anibersaryo ng PNP Special Action Force (SAF) sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa Laguna.
Sa kanyang mensahe, pinuri ng PNP Chief ang SAF sa kanilang mga nakamit na tagumpay sa nakalipas na apat na dekada mula nang itatag noong 1983, partikular sa malaking papel ng SAF sa pagpapalaya sa Marawi.
Sinabi naman ni SAF Acting Director PBGen. Mark Pespes, na sa loob ng apatnaput isang taon, maraming tagumpay at hamon ang kanilang hinarap na nagbigay daan upang higit na tumatag at magkaisa ang kanilang hanay.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pespes na malalampasan ng kanilang hanay ang pinaka-huling hamong kinakaharap nila, kaugnay ng pagkakasangkot ng 2 PNP SAF Commando sa “moonlighting” matapos matuklasang nagsisilbi umano bilang personal bodyguard ng isang Chinese national. | ulat ni Leo Sarne