Nakatakdang isagawa ang ikalawang yugto ng “Cope Thunder Exercise” sa pagitan ng Philippine Air Force (PAF) at U.S. Air Force mula Hunyo 17 hanggang 28.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo, ang pagsasanay ay kasunod ng unang “Cope Thunder” na isinagawa noong Abril 8 hanggang Abril 19.
Paliwanag ni Castillo, ang “Cope Thunder Two” ay tututok sa “large force deployment”, kung saan pagsasanayan ang pagpapadala ng malaking bilang ng mga tauhan, eroplano at kagamitan sa malayong lugar.
Sinabi ng opisyal na bahagi ito ng paghahanda ng PAF sa kanilang kauna-unahang pakikilahok sa “Pitch Black” exercise kasama ang Royal Australian Air Force sa Hulyo 12 hanggang Agosto 2.
Dito’y ipapadala ng PAF ang 5 FA-50 fighter para sumali sa multilateral exercise na gagawin sa Northern Territory ng Australia. | ulat ni Leo Sarne