Pabor ang ilang mga nagtitinda ng gulay sa Agora Public Market sa hakbang ng Department of Agriculture (DA) na palawigin ang import ban sa sibuyas sa bansa.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Agora Public Market sa San Juan City, sinabi ng ilang mga nagtitinda ng gulay na ang mga lokal na onion producer ang siyang higit na makikinabang dito.
Anila, kahit may pumasok na mga imported na sibuyas ay mas tinatangkilik pa rin ng mga mamimili ang lokal na sibuyas kahit di hamak na mas mura ang mga imported na sibuyas.
Bukod kasi sa tamang-tama lang ang sukat at mas tumatagal ang shelf life ay mas mabango at malasa ito kapag isinasahog sa mga putahe.
Hindi anila katulad ng mga imported na sibuyas na bukod sa malaki ay walang lasa at hindi na mapakinabangan sa sandaling mabulok na.
Una nang inihayag ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel na walang pangangailangan na mag-angkat ng sibuyas dahil sa nananatiling matatag ang presyo ng lokal na produksyon nito. | ulat ni Jaymark Dagala