Patay ang isang 86-anyos na ina ng mga may-ari ng Hotel Juliano sa Ermita, Maynila matapos matupok ng apoy ang bahay at ang nasabing hotel kaninang umaga.
Kinilala ang nasabing biktima na si Chiu Deng Kangbacale habang sugatan naman ang anak nitong si Peter Co Kangbacale na sinubukan pang ilikas ang bedridden na ina.
Ayon kay Joseph Nagbutay, Kagawad ng Barangay 667, sinasabing nagsimula sa pumutok na charger ng cellphone ang apoy pero wala pa itong kompirmasyon mula sa BFP at patuloy ang imbestigasyon patungkol sa nangyaring sunog.
Bandang alas-9:37 ng umaga itinaas ang unang alarma sa sunog, na agad namang itinaas sa ikalawang alarma pagsapit ng alas-9:47 ng umaga.
Hanggang kaninang tanghali ay nasa labas pa rin ang mga lumikas na naka-check-in sa hotel dala ang kanilang mga gamit.
Idineklara namang fire under control ang sunog kaninang alas-10:55 ng umaga na kalauna’y idineklarang fire out bandang alas-11:08 ng umaga ayon sa BFP. | via EJ Lazaro