Maliban sa insidente ng sunog, maging ang mga kaso ng mga indibdiwal na may pinagdaraanan ay tutulungan na rin ng Bureau of Fire Protection-NCR.
Ito ay sa pamamagitan ng bago nitong lunsad na programang Kalingang Bumbero Mental Health Hotline katuwang ang National Center for Mental Health (NCMH).
Pinangunahan ngayong araw nina DILG Sec. Benhur Abalos at BFP NCR Regional Dir. Nahum Barba Tarroza ang paglagda sa MOA para sa implementasyon ng programa.
Ayon sa BFP, layon nitong magbigay ng lifeline sa mga taong may mabigat na dinaranas sa buhay at nagiisip nang wakasan ito.
Tinukoy ng BFP ang nananatiling mataas na kaso ng suicide attempts sa bansa na nais nitong mapigilan sa pamamagitan ng mental health initiative.
Sa datos ng NCMH, nasa 30% ng natatanggap nilang tawag ay suicide-related calls.
Pinuri naman ni Sec Abalos ang inisyatibong ito na isa pang paraan aniya para makasagip ng buhay ang BFP.
Sa ilalim ng programa, may 40 psychometrician at pyschologists ang idedeploy para tumugon sa magiging tawag sa helpline 24/7.
Para sa mga nais dumulog sa Kalingang Bumbero Hotline, maaaring tumawag sa numerong 09624584BFP. | ulat ni Merry Ann Bastasa