Hindi na kailangan pang dumulog ng mga lokal na pamahalaan sa national government, bagkus ang Malacañang na mismo ang bababa sa bawat rehiyon sa bansa.
Ito ang siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng ginawang distribusyon ng assistance ng pamahalaan para sa mga mangingisda at magsasaka sa bansa, na apektado ng matinding tag-tuyot.
Sa distribusyon ng financial aid para sa mga benepisyaryo sa Zamboanga, ipinangako ng Pangulo na walang rehiyon o lalawigan sa bansa ang maiiwan sa pag-unlad.
“Buong bansa ang tatamasa ng mga programang na ating ipinagkakaloob. Lalarga tayo sa buong kapuluan. Walang rehiyon na maiiwanan, walang lalawigan na makakaligtaan.” -Pangulong Marcos Jr.
Sabi ng Pangulo, lahat ng lugar sa Pilipinas ay matatamasa ang tulong na ipinagkakaloob ng gobyerno.
“Hindi ang lokal na pamahalaan ang dudulog sa Malacañang. Hindi ang lokal na pamahalaan ang dudulog sa Malacañang. Ang Malacañang ang pupunta sa mamamayan.” – Pangulong Marcos
Ngayong araw, pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng cash aid para sa mga magsasaka at mangingisda sa lugar.
Tumanggap ng kabuuang P10 milyon ang mga benepisyaryo sa Zamboanga City; P14.260 milyon sa Zamboanga del Norte; P14.350 milyon sa Zamboanga del Sur; at P20.3 milyon sa Zamboanga Sibugay.
Ang tig-P10,000 financial assistance para sa mga magsasaka at mangingisda ay galing sa Office of the President.
Katuwang ng Office of the President (OP) ang LAB for All program ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagbababa ng mga serbisyo sa mga residente sa Zamboanga.
“Makakaasa po kayo na ang inyong pamahalaan ay walang humpay na magtratrabaho upang palaguin ang ating ekonomiya para makamtan natin ang isang masaganang buhay para sa bawat Pilipino.” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan