Hindi mapapagod ang pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo para sa taumbayan. Ito ang siniguro ni Speaker Martin Romualdez sa mga taga-Zamboanga City sa paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Ito na ang ika-16 na BPSF na inilunsad ng pamahalaan.
Hatid nito ang 417 na mga programa at serbisyo na dala ng 49 na mga ahensya ng pamahalaan na katumbas may katumbas na P580 million na halaga.
Ayon kay Speaker Romualdez, kaisa ang Kamara sa pagtupad ng pangako ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong nangangampanya pa lamang siya na dalhin ang serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino.
Nagpasalamat naman ang House leader sa mainit na pagtanggap ng Zamboangueños na magsisilbi aniyang inspirasyon para pagbutihin pa ang kanilang trabaho.
Ngayong araw ay sabay rin inilunsad iba pang programa ng pamahalaan gaya Cash Assistance and Rice Distribution (CARD), Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth; Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL); at Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM). | ulat ni Kathleen Forbes