Muling nanawagan ang Manila Electric Company (MERALCO) sa kanilang mga commercial at industrial customers sa ilalim ng Interruptible Load Program (ILP) na magbawas ng konsumo ng kuryente.
Sa ilalim ng programa, pansamantalang hindi kukuha ng kuryente mula sa grid ang mga malalaking kumpanyang gumagamit ng maraming kuryente.
Sa isang pahayag, sinabi ng MERALCO na kung kinakailangan ay handa silang magpatupad ng Manual Load Dropping o rotational brownout.
Ito’y matapos ilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Red at Yellow alert ang Luzon grid ngayong araw.
Ayon sa MERALCO, ang MLD ay kanilang responsibilidad para sa pangangasiwa ng kuryente.
Kaya dahil sa muling pagnipis ng suplay ng kuryente sa grid, sinabi ng MERALCO na hinihikayat nila ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente.
Tiniyak naman nila na patuloy silang nakabantay sa sitwasyon at sinisikap na magbigay ng palagiang update ngayong tag-init. | ulat ni Jaymark Dagala