Umaasa ang mga mamimili sa Pasig City Mega Market na dekalidad ang NFA rice na kanilang mabibili sa sandaling maibalik na ito sa mga pamilihan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang mamimili na nananatiling mahal ang presyo ng commercial rice kaya’t para sa kanila ay panahon na upang magbalik ang NFA Rice.
Kasalukuyan kasing mabibili ang murang regular-milled rice sa ₱48 kada kilo subalit bumababa na kalidad nito lalo’t mahigit isang buwan na buhat nang mag-anihan.
May mabibili namang ₱42 na kada kilo ng bigas pero paglilinaw ng mga nagtitinda, ito iyong mga pakain sa alagang aso dahil damaged na ang mga ito.
Ayon sa mga nagtitinda ng bigas, taas-baba ang bentahan ng bigas kaya hindi gaano nararamdaman ang epekto ng anihan at posibleng may kinalaman din dito ang El Niño.
Magugunitang inihayag mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kaniyang ise-certify as urgent ang pag-amiyenda sa Rice Tariffication Law para ibalik ang NFA rice sa mga pamilihan.
Bagay na ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay posibleng bumaba na sa ₱30 ang kada kilo ng bigas sakaling maamiyendahan na ang naturang batas. | ulat ni Jaymark Dagala