Pinuri ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Maj. General Jose Melencio Nartatez Jr. ang lahat ng opisyal at tauhan ng NCRPO na bahagi ng matagumpay na operasyon laban sa Canadian National na suspek sa nasabat na 1.4 na toneladang shabu sa Alitagtag, Batangas noong nakaraang buwan.
Ito’y kasunod ng pag-indict ng Department of Justice (DOJ) kay Thomas Gordon O’Quinn sa dalawang count ng illegal possession of dangerous drugs sa ilalim ng Section 11, Article II ng R.A. 9165, at karagdagang kasong paglabag sa Article 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name) ng Revised Penal Code.
Si O’Quinn, na subject ng Interpol Red Notice, ay naaresto noong Mayo 16 sa Tagaytay City, sa pinagsanib na operasyon ng Regional Intelligence Division ng NCRPO, PRO4A, Tagaytay City Police Station, at Fugitive Search Unit ng Bureau of Immigration.
Sinabi ni Nartatez na patuloy na nakikipagtulungan ang NCRPO sa Task Force Alitagtag ng CALABARZON Police sa pangangalap ng karagdagang ebidensya para mapalakas ang kaso laban kay O’Quinn at iba pang mga kasabwat nito. | ulat ni Leo Sarne